Copyright 2017 - Municipality of Gloria, Oriental Mindoro 5209

News Archive

Nakinabang ang mga Gloriano sa serbisyong medikal at dental hatid ng People’s Government Mobile Action (PGMA) sa ilalim na programa ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na PGMA Serbisyo Muna.          
Napuno ang Gloria Municipal Gym ng napakaraming tao noong May 5 para magpakonsulta, magpabunot ng ngipin at makahingi ng libreng gamot.  Sinamantala nila ang pambihirang pagkakataong ito na naabot ang bayan ng Gloria ng serbisyo na ipinagkakaloob ng pamahalaang nasyunal lalo na sa usaping pangkalusugan ng mamamayan.           
Iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan ang nagtulong-tulong sa pagsasakatuparan ng misyong ito na pinamunuan ng Philippine Amusement & Gaming Corporation (PAGCOR) bilang lead agency.  Katulong nila ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Department of Health (DOH) mula sa pamahalaang nasyunal.       
Nagbigay serbisyo rin ang lokal na tanggapan ng National Statistics Office (NSO) sa Calapan na pinangasiwaan ni Gng. Yolanda Arellano para sa nais makakuha ng authenticated birth certificate at marriage certificate.           
Personal namang nagpasalamat si Punong Bayan Romeo Alvarez sa mga nagsilbi sa kanyang mamamayan sa pagbisita niya upang siguruhin na maayos ang pagsasagawa ng naturang medical at dental mission.  Higit sa lahat, pasasalamat din ang nais niyang ipaabot kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na hindi nakakalimot sa inangkin niyang sariling bayan - ang Gloria.          
Ayon sa team leader ng grupo na si Joseph Sibayan, natutuwa silang pagsilbihan ang mga Gloriano na binibigyang - pansin ang kanilang kalusugan.