Copyright 2017 - Municipality of Gloria, Oriental Mindoro 5209

News Archive

Opisyal ng idineklara ni Punong Bayan Romeo D. Alvarez ang araw ng Martes at Biyernes bilang Tiangge Day sa Pamilihang Bayan ng Gloria.  Bunsod ito sa kagustuhan ng punong ehekutibo upang mas lalo pang gumanda at mabuhay ang takbo ng kalakalan sa bagong palengke.

Nauna dito, dalawang beses na masinsinang pinulong ni Mayor Alvarez ang ­­mahigit 160 opisyal at miyembro ng Fruit and Vegetable Growers sa Gloria noong December 24, 2008 at January 13, 2009 upang balangkasin ang mga hakbang sa implementasyon ng araw ng tiangge at siguruhing sapat ang produkto lalo na sa unang araw ng operasyon nito.

Sumuporta ang mga Punong Barangay na silang nakakaalam ng mga may patanimang gulay at prutas sa kanilang lugar gayundin ang pangulo ng Fruit  and Vegetable Growers na si G. Tony Malbog sa panukalang ito ng punong bayan para sa kapakinabangan  ng mga Gloriano.  Sila ang nagsilbing tulay ng Pamahalaang Bayan sa pakikipag-ugnayan sa mga magsasaka ng gulay at prutas maging ang pagkalat ng impormasyon upang mabilis na makarating sa bawat mamamayan ng Gloria ang pagsisismula ng tiangge.

Napagkasunduan sa pagpupulong na walang ilalabas na produkto mula sa bayan sa unang araw ng tiangge.  “Nakikiusap ako na subukan natin ang ating bagong palengke sapagkat walang ibang mas tatangkilik dito kundi tayong mga Gloriano at tayo rin ang higit na makikinabang dito,”pahayag ng ama ng bayan. Ipinakiusap din niya na tamang presyo lang ang pairalin upang patuloy na tangkilikin ng mamimili ang palengke.  Dumalo rin sa pagpupulong ang mamamakyaw at biyahero ng gulay at prutas na handang makipagtulungan sa magandang adhikain ng Pamahalaang Bayan. 

Nagkaroon din ng pag-eere sa himpilan ng Radyo Natin Pinamalayan para sa advertisement ng tiangge sa Gloria upang maipaabot ang impormasyon sa iba’t-ibang bayan ng Silangang Mindoro.  Nagpakalat din ng mga flyers sa iba’t-ibang lugar na nagsilbing paanyaya upang dayuhin ang tiangge gayundin ang bagong palengke.

Sinimulan ang unang araw ng tiangge noong January 20 na binigyan ng titulong “ Super Tiangge sa Gloria.”  Positibo itong  tinugon ng magtitinda, mamamakyaw at mamimili mula sa Gloria at karatig bayan tulad ng Pinamalayan, Bansud, Socorro, Bulalacao, Bungabong, Roxas, San Teodoro, Naujan, Victoria, Calapan City at San Jose, Occidental Mindoro na idinadayo ang kanilang produktong tuyo sa bayan.

Ipinagkatiwala sa Pambayang Tanggapan ng Agrikultura sa pamumuno ni MAO Roman dela Cruz ang pamamahala tuwing tiangge upang siguruhin na maayos at natututukan ang pagpapatakbo nito.  

Ngayong buwan ng Abril, apat na buwan na ang  magumpay na operasyon ng tiangge at ayon sa pinagkakatiwalaang tanggapan dito, masasabing stable na ang  lagay nito.
Kusa ring nagbibigay ng mga papuri ang mga magtitinda at mamamakyaw sa maayos at komportableng lugar na pinagtatayuan ng tiangge lalo’t higit sa mababait na katiwala dito na mabilis na tumutugon sa kanilang pangangailangan.  Malaking menos din anila ang nagagawa ng maluwang na espasyo ng tiangge sapagkat maluwag na naipapasok nila ang kanilang dalang sasakyan sa ganitong paraan hindi na nila kailangan pang bumayad ng estebador upang buhatin ang kanilang kalakal.  Dagdag pa nila, dumarating silang nakaayos na ang lahat, may tolda na panangga sa ulan at sikat ng araw at nakalatag na ang papag na paglalagyan nila ng produkto.  “Mas malaki ang kinikita ko sa pagti-tiangge sa palengke ng Gloria kesa sa ibang bayan, matapat na pahayag ni Gng. Emma Rosales - isang magtitinda buhat sa bayan ng Pinamalayan.

Ilan lamang ang mga patunay na ito na nagsisilbing inspirasyon sa administrasyon ni Mayor Alvarez upang patuloy pang paunlarin ang pamilihang bayan.

Bilang pasasalamat ng pamahalaang lokal sa pagsuporta ng Fruit and Vegetable Growers sa  tiangge, nagpanukala ang Municipal Agriculture Office na mgakaroon ng seed subsidy na agad namang inaprubahan ng punong bayan.  Makakautang ng butong panamin ang magsasaka ng gulay na walang interest at babayaran kapag naani na ang pananim.  Katuwang ng pamahalaang bayan ang Regional Office ng Dapartment of Agriculture sa pagsasakatuparan ng proyektong ito.  Malaking tulong ito upang hindi na mangutang ng puhunan sa patubuan upang gastusin sa  sakahan ng gulay na madalas nangyayari ayon sa mga vegetable growers.  Masisiguro rin na lalo pang magiging sagana ang supply ng gulay sa palengke.  Makipag-ugnayan lang sa Municipal Agriculture Offfice tungkol dito.

“Isa ito sa legacy na nais kong iwanan sa pagtatapos ng aking termino ngayong 2010,” pahayag ng punong bayan.